Martes, Agosto 6, 2013
Maling Pangangalaga - Analyn P. Muñez
Nakasaksi ka na ba ng pagwasak ng kalikasan? Kahit na sa mismo ninyong lokalidad? Marahil ay alam mo na't pamilyar ka na sa mga pangyayari sa ating kapaligiran- sa ating kalikasan.Nais ko sanang ibahagi ang aking karanasan noong ako'y nasa ika-apat na taon sa sekondarya, nang kami'y dumalo sa 3-araw na summit na ginanap sa Malagos, Davao City.Pasado alas-sais na ng umaga noon. Inihanda na namin ang aming mga dadalhin. Pagkain, flashlight, damit, tent, pansariling kagamitan, at siyempre- kamera. Habang kami'y naglalakbay kasama ang aming adviser at iba pang classmates, hindi namin mapigilang mamangha sa kagandahan ng likas na obra na animo'y inukit ng malikhaing kamay. Kamangha-mangha din ang mga gahiganteng puno ng narra, bagrass, lawaan, at iba pa. Kasama ang mga iba't-ibang uri ng mga bulaklak na kasisibol pa lamang at ang mga talulot nitong nadadampian ng hamog sa umaga. Talaga namang makapigil-hininga ang pagsikat ng araw dala ang pag-asang harapin ang bawat bukas sa bawat pag-inog ng mundo.Subalit may hangganan din pala ang aming paghanga.....Pangalawang araw, nang dinalaw namin ang iba't-ibang plantasyon ng saging at pinya sa Gumalang, Wines, Baguio district, at iba pang pook, na pinagmamay-arian naman ng mga maimpluwensiyang indibidwal sa Pilipinas. Nakapanlulumong isipin na sa bawat patak ng kemikal na ginagamit sa mga plantasyon ay unti-unti ring nababawasan ang ating tsansang mabuhay. Sapagkat ang dumi ng mga ito'y umaagos lahat patungo sa ating mga 'watersheds', kung saan naman tayo kumukuha ng ating iniinom na tubig. Malubha na ang kalagayan ng ating 'watershed'. Napalitan na ng burak ang dating napakalinaw na tubig. Kawawa naman ang susunod pang mga henerasyon. Ayon sa pagsusuri ng Watershed Management and Coordinating Council, Darating din ang panahon na titigil na sa pagpro-prodyus ng malinis na tubig si Inang-likas. At unti-unti na ring nakakalbo ang ating mga kagubatan na siyang pinamamahayan ng mga maiilap na hayop. Dinagdagan pa ng kasakiman at pagsasamantala ng ating mga kababayan. Iilan lamang ang mga ito na maaaring magdulot ng matinding kawalan sa sangkatauhan. Marahil darating din ang panahon ng himutok ng pagganti ni Inang -likas. At ang sandaling yaon ay dumating na nga! Bagyo, baha, lindol, landslides, at marami pang kahindik-hindik na mga kalamidad.Sa huling araw ng aming summit, bakas sa aming mga mukha ang panghihinayang at hinanakit sa aming nasaksihan sa mga nagdaang araw. Papalubog na ang araw nang tahakin namin ang aming daan pauwi. Naitanong ko tuloy sa aking sarili, "Nasaan na kaya ang ating pag-asang inaasam-asam?" May pag-asa pa kaya? May bukas pa ba?Sana nga.........................
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento